WATCH: Lalaking naka-droga, nang-hostage ng sarili niyang tiyuhin

Mala-pelikula ang tagpo sa Muñoz Market nitong Biyernes nang umaga dahil sa isang hostage drama.

Ang hostage taker: si Juren Amego, 27, walang trabaho, at naka-droga.

Ang kaniyang hostage: si Gerry Pisngot, 55, vendor — at tiyuhin ni Amego.

Alas singko ng madaling araw nagsimula ang hostage drama sa kanto ng Dangay St. at Roosevelt Ave. sa Quezon City.

Mahigit isang oras sinubukang kumbinsihin ni Quezon City Police District Station 2 Commander Igmedio Bernaldez na sumuko ang suspek, na may hawak na mahabang kutsilyo na nakaamba sa kanang balikat ng kaniyang tiyuhin.

Pinaligiran naman ng mga SWAT personnel ang suspek, at sumalakay ang mga ito nang makakuha ng tiyempo.

Nagtamo ng mababaw na sugat ang biktima sa kaniyang kanang balikat.

“Lumapit sa akin, sabi naman niya tulungan ko raw siya. Kako, anong problema, kasi siyempre nagising ako eh. Sabi ko, ano ba? Sabi merong mag-aano raw sa kaniyang tao. Sabi ko sinong tao? Hindi na siya lumayo, ‘yung dikit na, hinahawakan na ako parang may kinakapkap siyang… may patalim palang dalawa,” ayon kay Pisngot.

Ayon sa pulisya, balisa na raw ang suspek gabi pa lamang.

Ikinuwento ng suspek sa presinto ang dahilan kung bakit siya balisa.

“Akala nila may ginawa ako sa asawa ng kapatid ko pero wala naman akong ginawa,” aniya.

Pagkatapos nito, umamin din ang suspek kay QCPD Chief Supt. Guillermo Eleazar na gumamit ito ng droga.

Ayon sa mga kamag-anak ng suspek, problema nito ang droga at ang kawalan ng pera.

“Yung talagang nakita kasi natin talagang may intensyon patayin so pag-aaralan natin ang frustrated murder saka alarm and scandal,” ayon kay Eleazar.

Source: GMA News

Facebook Comments
Loading Facebook Comments ...

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

ContactUs.com